Ang Bayong Ni Lola Ella
Marissa Pare-Castro
“Mano po, Lola. Tayo na po sa palengke.”
Ito ang laging maririnig mo kay Cathy tuwing umaga. Giliw
na giliw siya sa pagtulong sa kanyang lola at sa mga nakikita niya sa palengke.
Lagi siyang sumasama sa kanyang Lola Ella halos araw-araw sa tuwing namamalengke
ito.
Napansin ni Cathy na laging bitbit ni Lola Ella ang
isang lumang bag tuwing sila’y namamalengke. Dito inilalagay ni Lola Ella ang
lahat ng kanilang binibili. “Sana’y huwag po agad mapuno ang lalagyan ni Lola.
Ayaw ko pa pong umuwi.”, dasal ni Cathy.
Isang araw, habang sila’y pauwi na, nabutas ang
lalagyan ni Lola Ella at nalaglag ang lahat ng kanilang binili. “Ay! nasira ang
bayong ko!”, sigaw ni Lola Ella. “Bayong po pala ang tawag ‘nyo diyan, Lola?”,
tanong ni Cathy. Hindi nakasagot agad si Lola Ella dahil sa hirap itong dumampot
sa mga binili nila. Tumulong si Cathy sa pagdampot at sa pagbitbit sa mga ito.
“Pagdating natin, aayusin ko ang bayong upang magamit
nating muli.”, tugon ni Lola Ella kay Cathy. “Lola, marami naman pong plastic
bag sa palengke. Bakit hindi na lang po kayo bumili?”, mungkahi ni Cathy.
“Habang nakukumpuni ko pa ang aking bayong, patuloy
nating gagamitin ito sa pamamalengke. Wala na halos nagtitinda nito sa palengke
at kung mayroon man, puro plastic ang tinda nila.”, sagot ni Lola Ella.
“Bakit po Lola? Anong klase po ba ang bayong ninyo?”,
patuloy na tanong ni Cathy.
“Ito’y gawa sa
pinagtabasan na mga dahon at iba pang bahagi ng halaman na pinaghabi-habi ng
iyong lolo.”, malungkot na sagot ni Lola Ella.
“Kaya ba pinahahalagahan po ninyo ang bayong na yan,
Lola?” tanong uli ni Cathy.
“Oo apo. At sa panahong ito, may mga taong ang
pagtingin sa aming mga matatanda ay mga walang silbi na para bang mga basura
lamang. Sa pamamagitan ng bayong na ito, naipahayag ng iyong lolo ang kanyang
saloobin laban sa pananaw na ito. Ayon sa kanya, may pakinabang pa ang mga
basura kung pagtutuunan lamang natin sila ng pansin. Kung ang lipunan ay
magwawalang-bahala, ang mga basurang ito rin ang magpapahirap sa kanila.”,
paliwanag ni Lola.
“Ano po ang ibig ninyong sabihin, Lola?, tanong muli
ni Cathy?
“Lahat tayo, anuman ang ating kalagayan sa lipunan, ay
bahagi ng kapaligiran. Ang kapabayaan sa anumang paraan nang sino man sa atin ay
makakasira sa ating kalikasan.”, malugod na pagsabi ni Lola Ella.
No comments:
Post a Comment